CHECK THIS OUT:

Search

Dating squatter at tricycle driver, may-ari na ngayon ng gas station



Ang swerte at tagumpay ay hindi mailap sa mga taong nagsisikap gaya na lamang ng isang dating squatter at tricycle driver na ngayon ay may-ari na ng ilang gasoline station sa Bayugan, Agusan del Sur.


Sa episode noon ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," naikwento ang kahanga-hangang istorya ni Jimmy tungkol sa kaniyang pag-asenso.


Ayon sa kaniya, noong bata siya ay naranasan nila na tumira sa squatter area. Tricyle driver din ang kaniyang ama noon at may-ari naman ng maliit na tindahan ang kaniyang ina.


Bagama't nasa murang isip pa lamang si Jimmy noon, sadyang madiskarte na raw siya sa buhay. Sa katunayan, para lang kumita ng pera at makatulong sa pamilya, pinasok niya ang pagtitinda ng turon at iba pang produkto.


Nagsikap din siya sa pag-aaral. Noong highschool siya, namamasukan siya bilang construction worker. 


Gayunpaman, maagang nakapag-asawa si Jimmy. Ngunit hindi ito naging hadlang upang tuparin ang kaniyang mga pangarap.


Nag-aral sa kolehiyo si Jimmy sa kursong BS Marine Transportation. Kasabay nito, nagtrabaho rin siya bilang tricycle driver upang masuportahan ang kaniyang sarili at ang kaniyang pamilya.


"Nag-aral ako sa gabi, tuwing umaga nagda-drive [ng tricycle]. Kumikita kami dati ng mga P200. Nakakapagod talaga pero tiniis ko 'yon kasi mayroon kaming pangarap na dalawa [mag-asawa] na makatapos talaga," kwento ni Jimmy.


Nang makatapos si Jimmy, siya ay naging seaman. Una niyang pinag-ipunan ang pagkakaroon ng sariling gasolinahan. At sa tulong ng mga kakilala niyang negosyante na nagturo sa kaniya sa pagnenegosyo, mayroon na siya ngayong tatlong gas station.


Bukod dito, nakapagpundar din siya ng bahay at lupa, mga sasakyan at rice meal.


"Habang bata ka, nag-iipon ka na. Tiyaga at tiis [lang] darating din yung mga pangarap niyo sa buhay," payo ni Jimmy.


Ngayong asensado na sa buhay si Jimmy, hindi niya nakalilimutang tumulong sa kapwa lalo na sa mga katulad niyang driver sa pamamagitan ng pagbibigay ng discount.


Source: GMA News



No comments:

Post a Comment