Huli sa camera ang ilang ulit na pagbangga ng isang truck sa maliit na kotse sa harapan nito habang nasa kalsada ng C5 extension, Parañaque City.
Sa video na ipinakita sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes (June 23), makikita ang isang truck na bumangga sa puting kotse na nasa harapan nito. Sa halip na tumigil, dinunggol pa nito ang maliit na sasakyan nang ilang ulit.
Pilit namang tumigil ang kotse, sa pag-asang hihinto rin ang truck. Gayunpaman, nagpatuloy ang truck sa pagbangga sa kotse dahilan upang tumama ito sa sasakyan na nasa harapan nito.
Ilang saglit pa ay umarangkada na palayo ang truck na parang walang nangyari.
“Nagulat ako bumangga ulit. Tuloy-tuloy na 'yon. Sinubukan ko. Ewan ko kung makikita ko sa video, sinusubukan ko talagang pumreno. Pero siyempre maliit lang ang sasakyan ko, hindi naman kaya talagang pigilan. Ginaganon ko ang ano [manibela] kasi tatama na ako sa unahan,” kuwento ni Rigel Plazuela, may-ari ng kotse.
Ayon sa imbestigador, imposibleng hindi napansin ng truck driver ang insidente lalo pa at dalawang sasakyan ang nadamay.
“Tuloy-tuloy pa rin siya [truck] hanggang sa kumanan na siya. As in parang walang nangyari,” ayon kay PSSGT. Joel Baes, Parañaque traffic investigator.
“Ang laki naman na... dalawang sasakyan na ang nadamay. Imposible naman po na hindi niya mapansin,” dagdag niya.
Dahil sa ginawang pagbunggo ng truck, yupi ang likod habang may gasgas naman ang hood ng biktimang sasakyan.
Sa ngayon ay tukoy na ang pagkakakilanlan ng truck driver at may-ari nito matapos makuha ang plaka ng sasakyan. Ngunit nang ipatawag sila ng traffic bureau, kapwa hindi sila sumipot.
Dahil dito, tuluyan ng isasampa ang kaso laban sa kanila.
Source: GMA News
No comments:
Post a Comment