Masayang ibinahagi ng pamilya ng namayapang si Naome Tesorero o Mahal na tapos na ang ipinapagawa nilang musoleo para sa komedyante sa Himlayang Pilipino Memorial Park.
Pagbibigay alam sa Pep.ph ng U.S.-based sister ni Mahal na si Irene, nasa P2.8 million ang halaga ng lupa at P1.3 million naman ang nagastos sa pagpapatayo sa musoleo. Kaya naman sumatotal, P4.1 million ang kabuuang pera na nailaan sa himlayan ng kaniyang kapatid.
Ayon kay Irene, ang museleo ay magsisilbi ring museo ng mga personal na gamit ng komedyante na namayapa sa edad na 46 dahil sa COVID-19.
Lubos aniyang nagpapasalamat ang pamilya Tesorero sa fans at supporters ni Mahal na patuloy na nanonood sa kaniyang Youtube vlogs na siyang pinagkunan nila ng pera pampagawa sa nasabing museleo.
“Thank you so much sa mga supporter, avid fanatics ni Ate Mahal. Sa mga walang sawa ninyong panonood sa kanyang YouTube channel. From the bottom of my heart, I salute you all."
Paglilinaw ni Irene, walang iniambag si Mygz Molino at manager ni Mahal na si Jethro Carey sa pagpapagawa ng museleo bagamat hanggang ngayon ay kumikita pa rin sila sa YouTube channel ng komedyante.
“’Wag n’yo pong ipilit about Mygz. Wala po siyang itinulong diyan, kahit si Jethro. Uulitin ko, wala pong tulong silang dalawa. Ito po ay galing sa fans.”
Samantala, pag-aanunsyo ni Irene, bubuksan ang museo sa publiko sa oras na nailipat na ang mga labi ni Mahal at ng kaniyang ama sa ikalawang linggo ng Hunyo.
Source: PEP.ph
No comments:
Post a Comment