Nananatiling "unbothered" o walang pakialam ang social media star na si Pipay Kipay sa mga taong ginagawang katatawanan ang kaniyang kapansanan.
Si Pipay ay ipinanganak nang may congenital hand deformities kaya naman kapansin-pansin na kulang ang kaniyang mga daliri. Dahil dito, mula noong siya ay bata pa ay naging tampulan na siya ng tukso.
“Siguro napagtripan ka ni Lord!” o di kaya naman “Sinubukan ipalaglag iyan ng nanay niya,” ang karaniwan niyang naririnig mula sa mga tao sa kaniyang paligid.
Aminado si Pipay na noong bata siya ay labis siyang naaapektuhan sa ginagawang panlalait sa kaniya. Hindi niya pa nga raw maiwasang kwestyunin ang Panginoon sa buhay na mayroon siya noon.
“Ang sakit, bata ako noon!” sabi ni Pipay sa Esquire Philippines.
“Bakit yung mga kapatid ko kumpleto naman yung mga daliri?” ang lagi niya raw tanong sa Diyos.
“Kumpleto naman ako sa buwan at hindi naman daw uminom ng pampalaglag nanay ko. Pero napaisip pa rin ako na baka tama sila, at nabuo nang nabuo iyong negativity sakin kasi masakit siya. Ang dating sakin, bakit ako nasa mundo kung wala naman akong kayang gawin?”
Pero ngayong tumanda at nag-mature na si Pipay, natutunan niyang mahalin ang kaniyang sarili maging ang kaniyang kapansanan. Ang mga trauma na naranasan niya noong bata siya ay binabalikan na lamang daw niya ngayon upang pagkuhaan ng lakas.
“Inaalala ko kung paano nag-survive yung eight-year-old self ko—I told myself, ‘Hindi ka naman kagandahan, di kumpleto daliri mo, wala kang talent, hindi ka matalino, marami kang bullies, tumpulan ka ng tukso, pero paano mo kinaya? Paano ka nakarating sa ganito? Binabalik-balikan ko iyon. Kung itong batang ito kinaya niya ang mga problema, why not ako at my age?”
“Wala na akong insecurities, kaya kong ilaban ‘to! Kahit i-mock niyo ako nang i-mock, wala akong pakialam dahil nabuo ko na ang confidence ko.”
Ngayon si Pipay ay isa na sa mga content creator online na nagbibigay inspirasyon sa mga kabataan, at sa lahat ng mga taong may kapansanan.
Source: Esquire Philippines
No comments:
Post a Comment