Nagbitaw ng mabigat na mensahe at paalala ang beteranong broadcaster na si Mike Enriquez sa mga kandidatong nagwagi sa kani-kanilang pwesto sa naganap na 2022 national elections noong May 9.
“Mga Kapuso, binantayan po natin ang kampanya, ang botohan, ang bilangan, ngayon hindi pa tapos. Babantayan po natin ‘yung mga nanalo,” pahayag ni Enriquez sa kaniyang closing remark sa GMA news segment "Balitanghali Express."
“Kayong mga nanalo, tandaan ninyo, magbabantay kami," dagdag pa niya.
Ang paalalang ito ng tanyag na Filipino journalist ay umani naman ng samu't-saring papuri mula sa mga netizen nakabantay sa mga kontrobersyal na resulta ng botohan.
"YOU KNOW THAT OUR JOURNALIST AREN’T JOKING WHEN THEY START TO POINT THEIR FINGERS AT YOU. BABANTAYAN NAMIN KAYO. THAT’S THE POWER MR. MIKE ENRIQUEZ" komento ng isang netizen.
Sa kabilang banda, pumukaw din ng atensyon mula sa social media ang ilan pang mga journalist gaya nila Mel Tiangco, Jessica Soho, at Vicky Morales sa kanilang matapang at tapat na pagbibigay pananaw sa katatapos lamang na eleksyon.
Base sa partial at unofficial results ng 2022 election, patuloy na nangunguna ang magkapartido na sina dating senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte na humahabol sa pagka-presidente at bise-presidente.
No comments:
Post a Comment