Marami sa mga Pilipino ang hindi natatanggap sa trabaho nang dahil lamang sa kanilang tattoo. Bagama't nakasanayan na ito sa kultura ng Pinoy, ang tanong ng marami, katanggap-tanggap ba ito o isa na itong uri ng diskriminasyon?
Sa programang "Sumbungan ng Bayan," ay lumapit ang isang netizen upang humingi ng payo ukol sa kaniyang naging karanasan sa inaplayang trabaho.
Kwento niya, ginawa at ipinasa naman niya lahat ng hinihinging requirements ng kompanyang nais niyang pasukan ngunit sa huli ay hindi pa rin siya tinanggap dito dahil umano sa kaniyang "invisible tattoo."
Ayon sa abogadong si Atty. Rojas, maaaring gawing basehan ang tattoo sa pagtanggap ng aplikante depende sa uri ng negosyo. Ngunit "generally kung hindi naman 'yun nakakaapekto sa business," maaaring ituring na diskriminasyon.
"Hindi dapat maging dahilan upang hindi i-hire, lalo na kung kuwalipikado naman 'yung aplikante. Hindi siya dapat maging dahilan upang hindi tanggapin sa trabaho," saad niya.
Pero paglilinaw niya, mayroon namang karapatan ang kompanya na magbigay ng ganitong klaseng klasipikasyon ngunit kailangan nitong siguraduhin na magiging pantay ito sa lahat ng aplikante.
No comments:
Post a Comment