CHECK THIS OUT:

Search

Basurero, nakaipon ng balde-baldeng barya; nakapagpundar ng 3.5 ektaryang lupa


"May pera sa basura."


 Ito ang pinatunayan ng isang mangangalakal bula sa Payatas, Quezon City na nakaipon ng balde-baldeng barya sa pamamagitan lamang ng pagbabasura.


Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinwento ni Janry Alburo na nakaipon siya ng sandamakmak na pera mula sa kaniyang pangangalakal dahil madalas siyang makakita ng barya, alahas, gadgets, at pera ng ibang bansa sa tambakan ng basura.


Sa tulong na rin ng iba pa nilang sideline ng kaniyang asawa gaya ng pagbebenta ng ihaw-ihaw at mga basahan, minsan na silang nakaipon ng P650,000 na ipinambili nila ng 3.5 ektaryang lupa sa Cawayan, Masbate.


Pangarap daw ni Alburo na makapagpatayo ng bahay sa nabiling lupa at manirahan doon kung sakaling dumating ang panahon na titigil na siya sa pagbabasura na kung saan kumikita siya ng P400 kada araw.


Iyon nga lang, nang dumating ang pandemya napilitan siya na isangla ang lupa sa halagang P58,000, pantustos sa pangangailangan ng kaniyang pamilya. 


Sa kasunduang pinasok ni Alburo, nakasaad na kailangan niyang mabayaran ang lupa sa loob ng dalawang taon upang ito maremata at tuluyang mawala sa kaniya.


Kaya naman nagdoble kayod si Alburo at ang kaniyang asawa. Sa kaniyang pamamasura, nakaipon siya ng tatlong baldeng barya at mga alahas na maibebenta sa malaking halaga. 


Nang ipapalit niya na ang mga barya, umabot ang mga ito sa P90,000 dagdag pa rito ang isang pendant na naibenta niya ng P10,000. Sumatotal, nakalikom ng P100,000 si Alburo sa kaniyang pamamasura. Sobra-sobra pang pantubos sa kanilang naisanlang lupa.


Ayon kay Alburo, sa oras na makaipon ulit silang mag-asawa, plano na nilang umuwi sa probinsiya at magtayo na lamang ng negosyo bilang kanilang panimula.



No comments:

Post a Comment