Ang magpalaki at magpa-aral ng anak ay hindi madaling obligasyon para sa magulang lalo pa at kung nag-iisa lang ito sa pagkayod. Gayunpaman, matagumpay pa ring naitaguyod ng single mother na si Nanita Ronquillo ang pagkamit ng kaniyang anak sa pangarap na maging doktor.
Si Nanay Nanita ay tindera ng isda sa palengke. Mula nang maghiwalay sila ng kaniyang asawa, mag-isa na niyang binuhay ang kaniyang anak na si John Nico.
Madaling araw pa lamang ay lumalarga na ang butihing ina upang magtrabaho. Sa maghapon niyang pagtitinda, kumikita siya ng halos P1,000 kada araw ngunit minsan, mas mababa ang naiuuwi niyang pera kapag matumal ang benta.
Kahit may iniindang sakit sa puso, tuloy lang sa pagbabanat ng buto si Nanay Nanita matulungan lang si John sa kaniyang pagdo-doktor. Ngunit dahil sa hirap ng buhay, dumadating din sa puntong napipilitang huminto sa pag-aaral ang kaniyang anak.
Dahil dito, inabot ng anim na taon si John bago nakapagtapos ng kursong medisina. Tinagal man, labis pa rin ang pasasalamat niya sa kaniyang ina na kailanman ay hindi siya sinukuan.
No comments:
Post a Comment