CHECK THIS OUT:

Search

Kabaong libre na para sa mga mahihirap na pamilya sa isang siyudad sa Pampanga


Hindi na kailangang problemahin ng mahihirap na pamilya ang halaga ng gagastusin sa kabaong sa tuwing sila ay mamamatayan ng kaanak dahil libre na itong ipamimigay ng lokal na pamahalaan ng Angeles City, Pampanga.


Ayon sa pamahalaan ng siyudad, ipagkakaloob ang mga libreng kabaong na nagkakahalaga ng P10,000 sa mga kwalipikadong pamilya o mga miyembro ng indigent communities na kanilang nasasakupan.


Paliwanag ng Angeles City Mayor na si Carmelo Lazatin Jr., bagama't hindi pangkaraniwan ang naisip na inisyatibo ng kaniyang pamunuan, malaking tulong naman ito para sa mga pamilya na walang sapat na pera upang makabili ng kabaong at maihimlay nang maayos ang kanilang kaanak sa huling sandali.


“It may sound unusual, but this is the reality. May mga kababayan po tayo na humaharap sa pagsubok na walang perang pampalibing o pambili ng kabaong para sa namatay nilang mahal sa buhay,” pahayag ng alkalde.


Ayon sa Angeles City Public Cemetery officer na si Philip Samson, upang maging kwalipikado para sa libreng kabaong kailangan lamang magpresinta ng mga kaukulang dokumento ang mga naiwang pamilya gaya ng Death Certificate, Barangay Certificate of Indigency, at City Social Welfare and Development Office referral letter.


Dagdag ni Lazatin, sa ngayon ay mayroon pang 62 kabaong na natitira at handang ipamigay sa mga mahihirap. Nangako rin ito na madaragdagan pa ang bilang ng mga ipamimigay na kabaong sa taong 2022.


No comments:

Post a Comment