Musmos pa lamang pero tila ba isang malaking kalbaryo na ang bitbit ng sanggol na si Baby Jessa dahil sa kaniyang dila na lumabis sa paglaki.
Dahil dito, ang apat na buwang sanggol ay hirap na sa pagsuso dahil hindi ito makasipsip nang maayos at halos hindi narin magkasya ang tsupon ng kaniyang bote ng gatas sa kaniyang bibig. Sa laki ng kaniyang dila, pansin din madalas ng kaniyang amang si Rogelio na nahihirapan din sa paghinga ang kaniyang bunsong anak.
Sa panayam ng documentary program na "Brigada" sa mag-asawa, itinuturo nilang salarin sa paglaki ng dila ng kanilang anak ay ang pagkahilig ng ina sa dila ng baboy noong siya ay nagbubuntis.
Sambit ni Rogelio, binalaan na sila ng isang doktor na maaaring mawala sa kanila ang kanilang anak kung magpapatuloy ang kondisyon ni Baby Jessa.
Ayon sa isang ear, nose, and throat (ENT) specialist, ang bata ay mayroong kondisyon na tinatawag na macroglossia. Ito raw ay nakukuha sa lahi ng pamilya at hindi sa pinaglihing pagkain noong nagbubuntis ang ina.
Kinakailangan sumailalim ni Baby Jessa sa tongue ressection, isang operasyon na kung saan babawasan hanggang sa maging normal ang laki nito.
Iyon nga lang, aabot ng P100,000 ang gagawing operasyon kung kaya humihingi ng tulong ang kaniyang mga magulang sa publiko upang maayos na lumaki ang kanilang anak.
"Humihingi po ako ng tulong sa inyo para ma-ano [maipagamot] 'yung karamdaman ng baby ko. Sana po tulungan niyo ako," pakiusap ng mangiyak-ngiyak na amang si Rogelio.
No comments:
Post a Comment