Hanggang saan nga ba aabot ang pagmamahal ng isang ama? Hanggang kailan nito kayang magtiis para sa kaniyang pamilya?
Taong 2019 pa nang mag-viral ang padre de pamilya na si Vinz Manalo Bobo matapos maibahagi sa social media ang larawan niya na pusan ang kaniyang anak habang nagtatrabaho.
Bagama't matagal na mula ng makilala siya ng publiko, patuloy itong umaani ng papuri at nagsisilbing inspirasyon sa mga tao marahil siguro ang kaniyang kwento ay repleksyon ng pagmamahal ng bawat ama sa mundo.
Si Vinz ay isang kusinero sa Palawan Adventist Hospital sa Puerto Princesa, Palawan. Bitbit niya ang kaniyang anak hanggang sa kaniyang trabaho dahil wala siyang mapag-iiwanan nito.
Ayon sa kaniya, nagkataon na may check-up sa doctor ang kaniyang bunsong anak. Dahil walang magbabantay sa kanilang panganay, minabuti ng kaniyang asawa na ihatid ito kay Vinz sa lugar kung saan siya nagtatrabaho.
Buong puso namang pinusan ni Vinz ang kaniyang anak kahit pa alam niya ang panganib at pagod na maaari niyang matamo mula rito kaysa naman sa hayaan nilang mapag-isa ito sa kanilang tahanan lalo pa at bata lamang ito.
"Kapit lang anak ko.. Kailangan lang talaga magtrabaho ng papa mo para my pambili ng gatas mo. #backride #joyride #inspired," masayang sabi pa nga ni Vinz nang ibahagi niya ang kanilang larawan sa social media noon.
Ang ipinakitang sipag at dedikasyon ni Vinz ay tanda ng pagmamahal sa kaniyang mag-iina. Gaano man kahirap, paniguradong hindi lamang iisang miyembro ang kayang-kaya niyang pasanin.
Dahil sa kaniya, mas naunawaan ngayon ng marami kung bakit nga ba "haligi ng tahanan" ang turing sa ating mga dakilang ama.
No comments:
Post a Comment