Isinumbong ng isang lalaki sa programang "Raffy Tulfo in Action" ang kompanyang Nestle matapos nitong makabili ng 'di umano'y nilulumot at inaamag nilang produkto na paborito pa namang inumin ng mga kabataan ngayon.
Ayon sa nagrereklamong si James Daniel Correa, binilhan niya ang kaniyang anak ng Chuckie, isang chocolate drink na gawa ng Nestle, sa isang tindahan na malapit sa kanilang tahanan.
Nang maibigay ang chocolate drink sa kaniyang anak, agad niya itong pinabuksan sa kaniyang lolo at saka ininom gamit ang straw.
Maya-maya lamang ay ibinalik ng bata ang nasabing inumin sa matanda dahil sa maasim nitong lasa.
Dahil dito, nagsuspetya sina Correa na baka sira na ang kanilang nabiling Chuckie. Aniya, base sa packaging, hindi pa naman expired ang produkto ngunit nang buksan nila ito tumambad ang animo'y lumot at amag sa loob ng karton pati na rin ang para bang bulak na nakalubog sa naturang chocolate drink.
Dahil dito, ibinahagi ni Correa sa social media noong Mayo 27 ang insidente bilang maging paalala sa mga magulang na maging maingat sa mga pagkaing ipapakain sa kanilang anak.
Nakarating sa kompanyang Nestle ang kaniyang karanasan at agad naman din siyang tinawagan.
Ayon sa Nestle, maayos naman daw na naiproseso ang produkto sa kanilang pabrika. Iyon nga lang, marahil ay nagkaroon daw ng butas ang packaging dahilan upang makontamina ang kanilang produkto.
Gayunpaman, patuloy pa rin daw ang kanilang pag-iimbestiga upang malaman kung saang parte ng kanilang pagpoproseso nagkamali ang kanilang mga tauhan.
Wala naman daw balak si Correa na magsampa ng kaso o humingi ng danyos sa kompanya. Ang nais niya lamang ay magbigay impormasyon at babala sa mga kapwa niya magulang.
Source: Raffy Tulfo in Action
No comments:
Post a Comment