Tunay na inspirasyon ngayon ang isang lalaki mula sa Quezon dahil sa kabila ng kaniyang iniindang karamdaman ay nagawa niya pa ring kamtin ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Si Arnold Morales, 24, ay gum-raduate sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa Tayabas Western Academy sa Candelaria, Quezon nito lamang Hunyo 5.
Siya ay may stage 5 chronic kidney disease at sumasailalim sa peritoneal dialysis habang siya ay nag-aaral.
Pagbabahagi ni Morales, kinakailangan niya ng kidney transplant upang muling makapamuhay ng normal. Iyon nga lang, hindi kakayanin ng kaniyang pamilya ang magiging gastusin dito kung kaya wala siyang magawa kung hindi ipagpatuloy ang pagda-dialysis.
"'Yung dialysis na po ang nagsilbing pamalit duon sa trabaho sana ng kidneys sa ating katawan. Ang kailangan po ay kidney transplant para matigil po yung dialysis at bumalik na sa normal ulit buhay po. Ngunit kami po ay kapos sa pinansyal kung kaya’t hindi po ako makapag-paopera," sabi niya.
Si Morales mismo ang nagbahagi ng kaniyang nakakaantig na kwento sa social media dahil gusto niya raw sanang matulungan at mabigyan ng inspirasyon ang mga estudyanteng nahihirapan ngayon sa kanilang pag-aaral.
"Nais ko pong gawin nilang inspirasyon ang istorya ko, na kahit nahihirapan sila sa sitwasyon natin ng pag-aaral ngayon (online at modyular) huwag silang sumuko," sambit ni Morales.
Marami naman sa mga netizen ang nakapansin at nagbigay halaga sa kwento ni Morales.
Sa kaniyang narating sa buhay, laksa-laksa ngayong tao ang naniniwala na makakapamuhay ulit siya ng normal upang sumungkit ng marami pang tagumpay sa buhay.
No comments:
Post a Comment