Kung para sa marami, kulang ang iisang putaheng ulam sa kanilang hapagkainan, para naman sa isang pamilya sa Tondo, Manila, sapat na ang isang pirasong isda para pagsaluhan at punan ang kumakalam nilang sikmura.
Ito ang kwento ng pamilya ni Manuel Tausa na itinampok sa programang "Stand for Truth" ng GMA Public Affairs.
Si Manuel ay isa lamang mangangalakal at siya lamang ang inaasahan ng kaniyang asawa at anim na anak na susuporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Gayunpaman, kahit anong sikap ni Manuel, kulang na kulang pa rin ang kaniyang kinikita upang matustusan ang kaniyang pamilya.
Kadalasan nga raw ay wala talagang siyang maihapag na pagkain para sa kaniyang mag-iina. Ang kaniyang asawa na si Rosemarie ay pumipila na lamang sa feeding program sa kanilang lugar upang may maipakain sa kanilang mga anak.
Nang minsan, may kapitbahay silang nagbigay ng isang pritong isda, bagama't kulang ay pinilit na ng mag-anak na pagsalu-saluhan ito para maibsan ang kanilang gutom.
"Minsan po umiiyak mga anak ko kasi walang-wala talaga, Paano 'yung maliit ko maghahanap talaga 'yan," saad ni Rosemarie.
Ngayong may pandemya, mas lalo pang humirap ang sitwasyon ng pamilya Tausa ngunit wala silang magagawa kung hindi tiisin ang pagsubok sa kanilang buhay.
No comments:
Post a Comment