Isang lalaki umano na may problema sa pag-iisip ang kinuyog at inaresto ng mga pulis dahil sa wala itong suot na facemask habang nasa labas ng kaniyang tirahan sa Barangay Daniw, Calumpang, Victoria, Laguna.
Ayon kay Serelino delos Santos, nagtungo lamang ang kaniyang kapatid na si Sandy sa kanilang tahanan upang humingi ng bigas sapagkat wala na itong makain.
Hindi raw nagsusuot ng facemask si Sandy kahit pa pagsabihan ng kapatid dahil nahihirapan daw itong huminga sa tuwing siya ay may suot nito.
Kaya naman nang makita ng mga pulis ang biktima sa tapat ng bahay ng kapatid ay agad itong inaresto. Nagpumiglas at naglaban si Sandy kung kaya nauwi sa pagkuyog.
Pumunta naman ang Kapitan ng Barangay na si Dionisio Austria kasama si Serelino sa presinto upang ipaliwanag sa mga pulis na may problema sa pag-iisip si Sandy.
Gayunpaman, dahil sa walang dokumentong maipakita na magpapatunay na may deperensiya nga sa pag-iisip ang biktima, itinuloy pa rin ang pagkulong rito.
Sa ngayon, pinakikiusapan pa ang pulisya na pakawalan ang biktima. Sa oras na makalaya ito ay nakatakda na siyang ipasuri sa doktor sa kauna-unahang pagkakataon sa tulong ng broadcast journalist na si Raffy Tulfo.
Source: Raffy Tulfo in Action
No comments:
Post a Comment