Humabag sa kalooban ng publiko ang isang estudyante na naghahanap ng pwedeng aampon o kukuha sa kaniya bilang katulong maipagpatuloy niya lamang ang kaniyang pag-aaral at maiahon ang sarili sa kahirapan.
Si Jerico Camparicio, 23, ay taga-Roxas, Palawan. Incoming senior high school student na siya ngayong darating na pasukan ngunit hindi tiyak ang binata kung makapag-e-enroll ba siya dahil sa kakulangan sa pera.
Ayon kasi kay Jerico, siya lamang ang sumusuporta sa kaniyang sarili. Iniwan siya ng kaniyang ama habang ang ina naman niya ay mayroon ng ibang pamilya.
Dahil wala ng ibang maasahan, naglakas loob na humingi ng tulong sa social media si Jerico. Sa pamamagitan ng isang Facebook post, nag-alok siyang maging tagalinis at tagaluto sa sinumang mabuting loob na aampon at magpapaaral sa kaniya.
"LF [looking for] guys yong gusto lang po mag ampon sakin yong kaya ako pa aralin kase gusto ko maka pag Tapos sa pag aaral ko…”
Sa panayam ng binata sa Net 25, naibahagi niya na binubuhay niya lamang ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga produkto gaya ng prutas at tuyo online.
Bagama't kumikita siya rito, hindi pa rin ito sapat upang matustusan ang kaniyang pangangailangan bilang estudyante.
“Masakit na dina-down kaya nga nagsisikap akong mag-aral para maabot yung pangarap ko, kaso hindi niyo ako sinusuportahan."
“Kaya gusto ko na lang magpa-ampon sa ibang tao. Sana maintindihan niyo.”
Sa FB post ni Jerico, maraming netizens naman ang nagbanggit ng mga scholarship program na maaari niyang pasukan. May ilan ding nagpakita ng interes na makipag-ugnayan sa kaniya upang siya ay matulungan.
Source: Pep.ph
No comments:
Post a Comment