CHECK THIS OUT:

Search

E-sabong ng mga gagamba, tinatayaan ng daang libong piso ng mga Pinoy


Bukod sa e-sabong ng mga manok, ang e-sabong ng mga gagamba ang isa pa sa mga sugal na kinahuhumalingan ng mga Pilipino magbuhat noong magkaroon ng pandemya. 


Kung dati ay madalas na libangan o laro lamang ng mga bata ang pagsasabong ng mga gagamba o ulutan, kung tawagin, ngayon ay ginawa na itong pagkakakitaan. Ang iba pa nga, daan-daang libong piso ang itinataya sa pag-asang limpak-limpak na pera ang babalik sa kanila.


Sa ulat ng Reporter's Notebook, makikita ang ginagawang preparasyon ng mga may-ari ng gagamba sa kanilang mga alaga bago nila ito isabak sa gradas o customized ring. 


Karaniwang  pinapainom ng bitamina at steroid ang mga gagamba upang mapataas ang tiyansa ng mga ito na manalo sa laban na tinatawag na derby.


Gaya ng e-sabong ng mga manok, maaaring mapanood ang derby sa social media online. Dito ay maaari ring tumaya ang mga manonood sa kanilang pambatong gagamba.


Malaki-laki ang perang maaaring mapanalunan sa labang ito dahil daan-daang piso ang madalas na itinataya ng mga manonood.


Pero babala ng Philippine National Police, ilegal sa bansa ang spider derby dahil ito ay maituturing na illegal gambling.


"Lahat ng klase ng laro o game, basta ito ay hinaluan na ng pustahan in any form, whether pera or any article of value ay considered na po itong illegal gambling, under PD 1602. At lahat ng indibidwal na mahuhuli na engaged sa any forms of illegal gambling ay may kahaharaping kaso," sabi ni Police Colonel Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP.


Sa katunayan, nakailang pagsalakay na ang pulisya sa mga operasyon ng sabong ng gagamba sa mga nagdaang taon.


Mahigpit ding ipinagbabawal, ayon sa Bureau of Customs ang paglabas at pagpasok ng exotic na mga insekto at hayop na ipinagbabawal ibenta, kabilang na rito ang ilan sa mga species ng gagamba na nanganganib ng mawala.


No comments:

Post a Comment