Noon pa man ay laganap na ang tsismis sa bawat sulok ng Pilipinas. Sa pag-usbong ng internet at iba't-ibang social media platforms, higit pa itong naging talamak.
Kung noon ay makikita ang mga tsimoso't tsismosa sa mga kalsada, ngayon ay kalat na rin sila maging sa online.
Mas madali tuloy kumalat ang mga maling impormasyon at mas tumitindi rin ang paninirang puri lalo pa at marami ang mga Marites na nakikisawsaw at nanggagatong.
Ano nga ba ang maaaring ikaso sa mga taong ganito?
Ayon kay Atty. Gaby Concepcion, tinatawag na paninirang puri o defamation ang pagpapakalat ng tsismis at paninira sa reputasyon ng isang tao.
Halimbawa ng paninirang puri ay ang pag-akusa sa isang tao na siya ay sangkot sa isang krimen o nagtataglay ng depekto o kakaibang kondisyon.
Kung pasalitang sinabi ang paninirang puri, ito ay makokonsidera bilang slander, at may mga kategoryang "simple slander" o "grave slander," depende sa antas ng pang-iinsulto o paninira.
Kung ang paninirang puri naman ay isinulat o inilathala, maaaring kasuhan ang isang tao ng libel.
Kung hindi maituturing na slander o libel ang ginawang paninirang puri ng isang tao, haharap pa rin siya sa kasong unjust vexation dahil nakasakit pa rin siya ng damdamin.
Paliwanag ni Atty. Concepcion, ang unjust vexation ay maaaring isampa sa taong nagdulot ng matinding inis, pagkaasar, at pagkabulabog sa kaniyang kapwa.
Paglilinaw ng Supreme Court, sa online, tanging ang sumulat ng chismis ang maaaring sampahan ng kaso. Ang mga taong nag-share, nag-react, o nagkomento sa isang tsismis ay walang pananagutan.
No comments:
Post a Comment