Para makapagbayad sa kaniyang lumolobong utang na dulot ng sabong, ipinaampon ng 22-anyos na ina ang kaniyang walong buwang gulang na sanggol kapalit ng pera na nagkakahalaga ng P45,000.
Sa ulat ng "24 Oras" nitong Biyernes (March 11), ibinahagi na naipaampon niya ang kaniyang anak sa pamamagitan ng pakikipagtransaksyon online.
“Nagkausap po kami sa online po, sa group ng bahay ampunan tapos doon nag-comment siya, nag-pm sa akin. Nagoffer siya ng P20,000 tapos meron pa akong ibang kausap tapos sinabi ko rin sa kanya na may kausap din po akong iba may nag-ooffer na mas malaki,” sabi ng ina.
“Tapos sabi niya sige P40,000 fixed tapos sabi ko sa kanya kung pwede P50,000. Ngayon sinabi niya sa akin hanggang P45,000 lang,” dagdag niya.
Matapos nila umanong nagkasundo sa presyo, nagkita ang ang ina at ang mag-aampon sa kaniyang anak sa isang fast food store sa Quezon City noong March 3.
Ayon sa ina, hiningi raw ng taong naka transaksyon niya ang kaniyang ID. May mga dokumento rin daw itong ipinapirma sa kaniyang ngunit hindi siya binigyan ng mga kopya nito. Nais man niyang kunin ngayon ang kaniyang anak ay hindi niya magawa dahil wala siyang larawan ng taong umampon.
“Binalikan ko po chinat ko rin po siya pero blinock na po niya ako. Sana po makipag-ugnayan na po siya, ibalik yung anak ko. Ibabalik naman din po yung pera. Sana po makipagtulungan siya kasi ibabalik din naman po yung pera at saka yung ginastos niya po ibabalik naman po ibalik lang po niya yung anak ko,” pakiusap ng ina.
Samantala, ayon sa ama ng bata, wala raw siyang kaalam-alam na ibinenta ng kaniyang asawa ang kanilang anak. Pakiusap niya, sana ay maibalik ang kaniyang anak. Handa raw niyang ibalik ang perang ibinayad sa kaniyang asawa mabawi lang ang kanilang supling.
Source: GMA News
No comments:
Post a Comment