Sino nga ba ang mag-aakala na ang isang labandera na halos magkakuba-kuba sa paglalaba kumita lamang ng pera ay balang araw magiging isang milyonarya?
Ito ang nakaka-inspire na kwento ni Cristhel Gardoce Bulabon, isang Pinay na hinamon ng buhay ngunit hindi nagpadaig upang makamit ang kaniyang tagumpay.
Lumaki sa mahirap na pamilya si Bulabon kung kaya maaga siyang namulat sa reyalidad ng buhay.
Iniwan si Bulabon at ang kaniyang mga kapatid ng kanilang magulang sa kanilang tiyuhin na nagmaltrato sa kanila. Bago sila pakainin ay kailangan muna nilang gumawa ng gawaing bahay tulad ng pag-iigib mula sa balon. Bibigyan man sila ng pagkain ay hindi pa sapat para sa kanilang magkakapatid.
Dahil sa tindi ng hirap na kanilang pinagdadaanan, namasukan na lamang si Bulabon bilang labandera sa kanilang kapit-bahay.
Lumayas sila sa poder ng kanilang tiyuhin at sumubok ng iba pang trabaho gaya ng pagiging tindera ng kakanin at pagbabasura mairaos lang ang kanilang pang-araw-araw.
Sa pag-asang makaahon siya sa hirap ay maagang nag-asawa si Bulabon. Ngunit, sa halip na sarap, ay pambubogbog ang naranasan niya at ng kaniyang mga naging anak.
Para maitaguyod ang kaniyang pamilya, pinasok niya ang pagiging prostitute at dito na niya nakilala ang lalaking nagmahal at nagbigay ng trabaho sa kaniya bilang telephone operator sa isang kompanya.
Dahil sa kagustuhang kumita nang mas malaking pera, nagtrabaho abroad si Bulabon. Makalipas ang ilang taon ay bumalik din siya sa Pilipinas at nagbukas ng computer shop at karinderya. Dito na siyang nag-umpisang umasenso nang paunti-unti.
Ngayon, isa nang owner si Bulabon ng malaking seafood restaurant sa Antipolo city. Mayroon din siyang 12 food carts, bar, at mga restawran.
Mula sa P50 na kita, si Bulabon ngayon ay nakatatanggap na ng monthly income na mahigit P500,000. Nakatira siya sa isang napakalaking bahay at masayang bumabyahe sa kaniyang apat na sasakyan.
Paniniwala ni Bulabon, "Walang taong maghihirap, sa taong masikap.”
No comments:
Post a Comment