Isang malaking himala para sa mag-asawang Kate at David Ogg ang muling pagkabuhay ng isa sa kanilang mga sanggol na isinilang noong taong 2010.
Ayon sa mga ulat, isinilang si Jamie at ang kaniyang kakambal nang kulang sa buwan. Dahil 27-weeks-old lamang noon ang dalawa, nag-agaw buhay si Jamie at kalaunan ay idineklarang patay ng mga doktor na sumubok na mag-revive sa kaniya.
Upang makapagpaalam na sa huling pagkakataon ang ina sa sanggol, inilagay ng mga doktor si Jamie sa dibdib ni Kate.
Pagkatapos ng limang minuto, nabigla ang lahat nang gumalaw si Jamie habang yakap-yakap ng kaniyang ina. Kahit pa sinasabi lamang ng mga doktor na natural reflexes lamang at hindi senyales ng buhay ang naging paggalaw ng bata, patuloy na niyakap ni Kate ang kaniyang sanggol at pinasuso pa ng kaniyang gatas gamit ang kaniyang daliri.
Ngayon ay 11 taong gulang na si Jamie at ang kaniyang kakambal na si Emily. Kapwa malusog at masigla ang dalawa gaya ng ibang mga bata.
Dahil din sa mala-himalang pangyayari, ginawa na ring adbokasiya nina Kate at David ang skin-on-skin contact para sa mga sanggol o mas kilala sa tawag na "Kangaroo care."
Ang ganitong pag-aalaga sa mga sanggol na kulang sa buwan ay ginagawa sa pamamagitan lamang ng pagyakap ng ina sa kaniyang anak habang ito ay nasa kaniyang dibdib.
Bukod sa malaki ang benepisyo nito sa mga sanggol, ang kangaroo care ay nakatutulong din upang iparamdam sa ina na mayroon silang magagawa upang protektahan at pagandahin ang kalusugan ng kanilang anak.
.
No comments:
Post a Comment