Isang lola mula sa Aklan ang kinagigiliwan ngayon online matapos nitong magpakita ng dedikasyong matuto at maturuan ang kaniyang mga apo sa kanilang pag-aaral.
Naging usap-usapan sa publiko si Lola Merlita Militar nang ibahagi ng gurong si Rodney Nicodemus ang ilang niyang mga larawan kasama ang matanda sa isang classroom.
Si Rodney ay isang math teacher sa Bulwang Elementary School, District of Numancia, Aklan. Ayon sa kaniya, nakiusap si Lola Merlita, 79, na turuan siya sa mathematics dahil hirap siya sa pagtuturo sa math subject ng kaniyang dalawang apo.
"She approached me na kung puwedeng turuan ko raw siyang muli. This is the second time around na magpapaturo siya sa akin in mathematics," kwento ni Teacher Rodney.
"So ang topic na kanyang ipatuturo sa akin is subtraction of mixed numbers na kung saan hindi raw alam ng kanyang apo at hindi rin niya alam," dagdag niya.
Bagama't hindi nakapag-aral, si Lola Merlita ang nagtuturo sa dalawa niyang apo na 11 years old at 4 years old sa kanilang module lessons lalo na pagdating sa math.
Siya rin ang nag-aalaga sa mga ito dahil parehong nagtatrabaho sa Cebu ang mga magulang ng kaniyang mga apo.
Marami ang natuwa at humanga sa matanda dahil sa tiyaga at pagmamahal nito sa akniyang mga apo.
May mga netizens din na nagpasalamat kay Teacher Rodney sa paglalaan niya ng oras upang maturuan si Lola Merlita.
"Swerte ng apo niya sa kaniya," sabi ng isang netizen.
"Saludo kami sayo sir, nakaka-proud," komento naman ngisang Facebook user kay Teacher Rodney.
Source: PEP.ph
No comments:
Post a Comment