"Sana all!"
Ito na naman ang sigaw ng marami sa mga netizen matapos ibahagi online ang kwento ng pagmamahalan ng isang katutubong Aeta at dalagang laki sa Maynila.
Sa programang Stories of Hope ng GMA, ikinwento ang nakakakilig na love story nina Mariano Lingay at Cindy Salilican.
Si Mariano ay isang katutubong Aeta mula sa Pampanga habang si Cindy naman ay taga-Maynila.
Unang nagkakilala at nagkausap ang dalawa online. Nang magkahulugan, dumadayo na si Mariano sa Maynila makapanligaw lamang kay Cindy kahit pa ilang kilometro ang kailangan niyang tahakin at gaano man kalaki ang halaga ng pamasaheng kailangan niyang gastusin.
Hindi naman napunta sa wala ang panunuyo ni Mariano dahil matapos lamang ang isang buwan at nakamiit niya na ang matamis na "oo" ni Cindy.
Totoo mang nagmamahalan ang dalawa, marami pa rin umano ang hindi makapaniwala at humahadlang sa kanilang relasyon.
Gayunpaman, nananatiling matatag ang samahan nina Mariano at Cindy, bagay na ikinamamangha ng marami sa mga netizen.
Ang kwento kasi ng pagmamahalan ng magkasintahan ay isang patunay na ang pag-ibig, walang pinipiling mukha, pangkat, o distansiya.
No comments:
Post a Comment