Saludo ngayon ang publiko sa mag-asawang nagpakita ng kagandahang loob sa isang kaawa-awang pulubi na pinagtatawanan ng mga tao dahil sa kawalan ng saplot sa katawan.
Pagbabahagi ni LJ Adop sa Facebook noong Biyernes (Hulyo 2), nasa labas daw sila ng kaniyang asawang si Wilfredo Aquino sakay ng kanilang motorsiklo nang mapansin niya ang isang lalaki na palaboy-laboy at walang suot na damit.
“Habang nagda-drive ako, bigla kinalabit lang ako ng asawa ko kasi hindi ko napansin na meron ngang ganun na si tatay na hubad. Nagmamaneho po ako dire-diretso (kaya) nalagpasan ko na po, parang kinuwento na lang po sakin ng asawa ko ‘yung itsura,” kwento ni Wilfredo sa kaniyang panayam sa STAR’s Latestchika.com.
Nang pauwi na sila, muling nakita ng mag-asawa ang nasabing pulubi kung kaya naisipan nilang bilhan ito ng damit at saka bihisan bagama't hindi sila sigurado kung may dala bang sakit ito lalo pa ngayon at may pandemya.
“Nung pagbalik po namin saktong nakita ko po si Tatay sa may Caloocan Sports Complex na banda po, nakahubad. Nakita ko pinagtatawanan ng mga tao eh,” sabi ni Wilfredo.
Dahil kapos din ang mag-asawa at natural na lamang kay Wilfredo ang bumili sa ukay-ukay, agad niyang naisip na bilhan nalang ang matanda ng damit sa isang thrift store na malapit sa kanila.
Nagmagandang loob na rin ang may-ari ng ukayan nang mahalata niya ang balak ng mag-asawa kung kaya nagbigay pa ito ng panibagong pares ng damit.
Nang makuha ang napamili, agad na lumapit ang mag-asawa at personal namang binihisan ni Wilfredo ang matanda.
“Sinuotan ko siya na parang anak ko na, tinaas ko yung kamay niya tapos sinuot ko sa ulo niya...Nakakapit sa balikat ko. Tinitigan ako. Parang iba po talaga (ang feeling). Wala lang, ang sarap lang kasi kahit sa maliit na bagay (nakatulong),” sabi ni Wilfredo.
Proud na proud naman si LJ sa inisyatibo ng kaniyang asawa. Siya pa nga mismo ay nagpasalamat sa ipinakitang kabaitan ni Wilfredo.
Si Wilfredo ay isang 24-anyos na fire volunteer. Bagama't alam niya ang panganib ng kaniyang pagkawang-gawa,, masaya siya na sa simpleng paraan ay nakatulong siya sa kaniyang kapwa.
Viral ngayon ang FB post ni LJ at kasalukuyan ng mayroong mahigit 84,000 reaction, 2,200 comments, at 48,000 shares.
No comments:
Post a Comment