Nagisa sa sariling mantika ang isang mag-asawa matapos magsumbong sa programang Raffy Tulfo in Action kaugnay umano ng pagbebenta ng isa nilang kaanak sa kanilang sanggol na anak.
Ayon kay Paola Solosa, iniwan nila ang kanilang anak sa pinsan ng kaniyang asawa na sa Glenda Ito upang ipaalaga habang sila ay naghahanap ng trabaho sa Batangas.
Tatlong oras matapos nilang iwan ang sanggol, binalikan nila ito ngunit paliwanag ni Ito naibenta na ang bata sa Maynila kapalit ng P10,000.
Nawindang ang broadcast journalist at TV host na si Raffy Tulfo sa kwento ni Solosa ngunit nang makausap niya ang inaakusahang si Ito, mas nagulat siya sa kaniyang nalaman.
Pahayag kasi ni Ito, hindi siya kung hindi ang mag-asawa ang may ideyang ibenta ang kanilang anak.
Nagpunta di umano ang dalawa sa bahay ni Ito upang ipaampon ang sanggol. Makailang ulit silang tinanong ni Ito kung sigurado na ba sila sa kanilang pasya ngunit sagot ni Solosa, mas mainam daw na mapunta na lamang sa iba ang kanilang anak kaysa sa magpalaboy-laboy sila sa kalsada.
Dahil dito, ipinaampon ni Ito ang sanggol sa kaniyang kaibigan. Kapalit ng pagpapaampon ay ang P10,000 na natanggap mismo ni Solosa at ng kaniyang asawa.
Mangangatwiran pa sana si Solosa upang ipagtanggol ang kaniyang sarili ngunit dahil sa mga inilabas na screenshot ni Ito na kung saan makikitang humihingi siya ng karagdagang P3,000 upang hindi na umano maghabol sa anak, tuluyang nakumbinsi si Tulfo na sina Solosa nga ang salarin sa pagbebenta ng sanggol.
Dahil dito, ipaiimbestiga ni Tulfo sa pulisya si Solosa at ang kaniya asawa na dati na palang nabilanggo. Ipinakukuha na rin ang sanggol sa Department of Social Welfare and Development upang matiyak ang kaligtasan nito.
Source: Raffy Tulfo in Action
No comments:
Post a Comment