Bilang pakikiramay sa bawat naulilang pamilya ng mga biktima ng Sulu plane crash, maglalaan ang TV Host na si Willie Revillame ng P5.2 million pesos mula sa kaniyang sariling bulsa.
Ayon kay Revillame nito lamang Biyernes (Hulyo 9), hindi lamang ang mga nasawing sundalo ang pagkakalooban niya ng tulong kung hindi maging ang mga sibilyan na namatay din sa masalimuot na aksidente.
Nagkakahalaga ng P100,000 ang tulong pinansiyal na nais ipaabot ni Revillame sa pamilya ng 49 na sundalo at 3 sibilyan na kapwa pumanaw sa naturang plane crash.
Sa kabuuan, P5.2 million ang halaga ng salapi na ilalabas ng TV host mula sa kaniyang personal na pondo.
"Ako, personally, gagawa din ako sa personal kong pagtulong ipagkakaloob ko po sana sa bawat pamilya, 'yung naulila pati po sa sibilyan, maglalaan po ako ng tig-P100,000 sa bawat tao po, sa bawat pamilya pong naulila," saad ni Revillame habang umeere ang programa niyang "Wowowin."
"Nasa 5.2 [million pesos] po ang ipagkakaloob ko, personal po ito, para sa mga naulilang pamilya," dagdag niya.
Noong Hulyo 4 nang pumutok ang balitang nag-crash ang aircraft C-130 sa Patikul, Sulu. Ihahatid sana nito ang mga sundalo sa Jolo na nakatakdang magbigay proteksyon sa publiko kontra sa grupong Abu Sayyaf.
No comments:
Post a Comment